Umabot sa halos 200,000 ang mga domestic at foreign visitors na naitala sa iba't ibang pasyalan at accommodation establishments sa lalawigan ng Romblon ngayong taon, batay sa Tourism Arrivals Report ng Provincial Tourism Office.
Sa kabuuan, nakapagtala ang lalawigan ng 197,782 bisita, kung saan 169,602 ang naitala sa mga tourist attractions at 28,180 naman sa mga accommodation establishments.
Pinakamalaki ang bilang ng mga lokal na bisita na umabot sa 188,345. Sa bilang na ito, 162,467 ang bumisita sa mga tourist attractions habang 25,878 ang naitala sa accommodation establishments.
Samantala, umabot sa 9,437 ang foreign visitors, kabilang ang 7,135 na bumisita sa mga tourist attractions at 2,302 na naitala sa accommodation establishments.
Ipinaliwanag ni Kim Anthony Faderon, Tourism Officer ng lalawigan, na ang naturang datos ay batay lamang sa mga ulat na isinumite ng iba't ibang pasyalan at accommodation establishments sa Romblon. Dahil dito, hindi pa ito kumakatawan sa kabuuang bilang ng mga turistang bumisita sa lalawigan ngayong taon.
Hinikayat naman ni Faderon ang mga pasyalan at accommodation establishments na makipagtulungan sa kani-kanilang munisipyo sa pagtatala at pagsusumite ng datos upang magkaroon ng mas kumpleto at maayos na talaan ng mga turistang bumibisita sa lalawigan.


























