Natagpuang ligtas sa baybayin ng Barangay Agbudia, Romblon, Romblon ang isang 49-anyos na mangingisda mula San Francisco, Quezon matapos ang halos dalawang araw na paghahanap sa kanya kasunod ng pagkawala nito sa katubigang sakop ng Masbate.
Kinilala ang mangingisda na si Arnel Alojado, na natagpuan nitong Miyerkoles ng umaga, Nobyembre 18, kasama ang kanyang bangka.
Kinumpirma ng anak nitong si Clyde Alojado na nasa maayos na kalagayan ang kanyang ama, gayundin ang kanilang bangka matapos ang insidente.
Batay sa ulat ng PCG, pumalaot si Alojado noong November 16, bandang alas-5 ng hapon, upang mangisda sa katubigang malapit sa Sombrero Island sa San Pascual, Masbate. Gayunman, iniulat siyang nawawala matapos umanong makaranas ng problema sa makina ng kanyang bangka habang nasa laot.
Dahil dito, agad na nagsagawa ng paghahanap ang Coast Guard Station Southern Quezon, katuwang ang iba pang kinauukulang ahensya at pamilya ni Alojado, habang nanawagan din ng tulong sa publiko upang matukoy ang kanyang kinaroroonan.
Inaasahang ibabiyahe pabalik ng Quezon si Alojado para muling makasama ang kanyang pamilya.


























