Pormal nang binuksan ng lokal na pamahalaan ng San Agustin ang San Agustin Protection and Crisis Center o mas kilala bilang “Bahay Kanlungan” sa Barangay Poblacion.
Ayon sa San Agustin Public Information Office, layon ng pasilidad na magsilbing ligtas at komprehensibong kanlungan para sa mga kababaihan at kabataang nakararanas ng karahasan at pang-aabuso, gayundin para sa mga bata at iba pang indibiduwal na nangangailangan ng espesyal na proteksyon.
Sa tulong ng bagong pasilidad na ito, inaasahang maibibigay ang agarang tulong, proteksyon, at mga serbisyong panlipunan para sa mga biktima, kabilang ang psychosocial support at kaukulang interbensyon.
Personal na dumalo sa pagpapasinaya si San Agustin Mayor Aaron James Stephen Madrona.
Pamamahalaan ang operasyon ng pasilidad ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at target na maging ganap na operational ngayong taon.
Ang konstruksyon ng Bahay Kanlungan ay pinondohan mula sa Gender and Development (GAD) Fund para sa taong 2024 at 2025, na may kabuuang halagang ₱5 milyon.




































