Dead on the spot ang isang barangay tanod matapos bumangga ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang konkretong poste sa gilid ng kalsada sa Barangay Cambalo, gabi ng Miyerkules.
Sa ulat ng Romblon Police Provincial Office, pauwi na ang biktima patungong Barangay Cantagda mula sa isang inuman sa Barangay Cambalo nang mangyari ang insidente.
Pagdating sa bahagi ng kalsadang madilim at bahagyang pakurba, hindi umano napansin ng biktima ang kurbada, dahilan para mawalan ng kontrol sa motorsiklo at tuluyang sumalpok sa poste.
Tumama ang mukha ng biktima sa poste na agad nitong ikinasawi.
Ayon sa kwento ng pinsan ng biktima na kasama nitong uminom, natapos umano silang uminom bandang 10:25 ng gabi at nag desisyong umuwi. Nauuna raw na bumiyahe ang biktima, ngunit pagdating nila sa national road sa Sitio Cagban, Barangay Cambalo, nadatnan nila ang motorsiklo nitong nakahandusay sa kalsada.
Nang kanilang lapitan ang biktima, tumambad sa kanila ang wala nang buhay na tanod dahilan upang agad silang humingi ng saklolo sa mga residente sa lugar.
Sinubukan pang isugod ang biktima sa Sibuyan District Hospital ngunit idineklara na itong dead on arrival.



































