Nagbigay-liwanag at saya sa mga residente at bisita ang Poblacion ng Cajidiocan, Romblon matapos pailawan ang Giant Christmas Tree at iba pang makukulay na palamuti ngayong kapaskuhan.
Sinabayan pa ito ng isang makapigil-hiningang fireworks display na nasaksihan ng maraming Sibuyananon at mga panauhin mula sa karatig-isla.
Ayon kay Cajidiocan Mayor Marvin Greggy Ramos, ang mga ilaw at aktibidad ngayong Disyembre, kabilang ang opisyal na theme song ng bayan, ay sumasalamin sa pagkakaisa, katatagan, at likas na ganda ng Cajidiocan.
Dagdag pa ng alkalde, mula sa ipon o savings ng lokal na pamahalaan kinuha ang pondo na ginamit sa pagpapaganda ng parke at iba pang pasilidad para sa kapaskuhan.
Layunin ng inisyatiba na maibalik ang sigla at kasiyahan ng komunidad, lalo na matapos ang mga pagsubok na hinarap ng bayan bunsod ng sunod-sunod na bagyo nitong mga nakalipas na buwan.



































