Pasok sa Pre-Finals ng PSC–NCFP Selection National Chess Championship Tournament ang Odiongan native na National Master at Arena International Master Jasper Faeldonia matapos niyang pumwesto sa ika-6 na puwesto sa katatapos lamang na Semifinals na ginanap noong December 17–21, 2025 sa Philippine Academy for Chess Excellence (PACE) sa Quezon City. Nilahukan ang torneo ng mga National Master at FIDE Master–titled players mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Nakapagtala si Faeldonia ng undefeated record na tatlong panalo at apat na draw sa loob ng pitong rounds. Sa Round 1, gamit ang black pieces, tinalo niya si Elvis Longjas ng Roxas, Zamboanga del Norte. Sa Round 2, gamit ang white pieces, nagwagi siya laban kay Matt Vincent Calzo ng Navotas City. Sa Round 3, nagtapos sa draw ang kanyang laro kontra Samson Chiu Chin Lim III ng Maynila gamit ang black pieces. Muli siyang nagtabla sa Round 4 laban kay Lemmuel Jay Adena ng Caloocan City gamit ang white pieces. Sa Round 5, nagtabla rin ang laban nila ni Lorenzo Aaron Cantela ng General Trias City, Cavite gamit ang black pieces. Sa Round 6, tinalo niya si Samantha Babol Umayan ng Davao City gamit ang white pieces, at sa Round 7, nagtapos sa draw ang kanyang laro kontra Mar Aviel Carredo ng Dasmariñas City, Cavite gamit ang black pieces.
Dahil sa resultang ito, umusad si Faeldonia sa Pre-Finals Tournament na nakatakdang ganapin sa January 7–11, 2026, sa parehong venue. Ang mga magwawagi sa yugtong ito ay aabante sa National Finals ng seleksyon para sa national team.
Ayon sa ama ni Jasper na si Engr. Ernie Faeldonia, mas magiging mabigat ang mga susunod na laban dahil kabilang na sa mga kalahok ang mga top-rated players sa bansa at maging mga International Master–titled players.
Bilang bahagi ng paghahanda, nakatakda ring lumahok si Jasper sa isang Team Tournament sa Palayan City, Nueva Ecija sa December 27–28, 2025.




































Discussion about this post