Nakapag-inspeksyon na ang task force na binuo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon sa unang 16 na flood control projects sa lalawigan na kasama sa listahan ng Sumbong Sa Pangulo.
Sa ginanap na budget hearing para sa pondo ng lalawigan para sa susunod na taon, tinalakay ang naturang imbestigasyon na pinangungunahan ng Provincial Legal Office.
Ayon kay Provincial Legal Officer at dating hukom Judge Jose Madrid, unahin nilang binisita ang mga proyekto sa Odiongan at Romblon dahil ito ang pinakamadaling puntahan mula sa kapitolyo.
Pagkatapos ng inspeksyon, sinabi ni Madrid na wala silang nakitang ghost projects sa 16 na flood control structures na sinuri.
Gayunpaman, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng task force na iniutos ni Governor Trina Firmalo-Fabic upang matugunan ang lahat ng hinaing at matiyak ang integridad ng mga proyekto sa buong lalawigan.
Inihayag din na ang magiging resulta ng imbestigasyon ay isasama sa ihahain ng task force sa Independent Commission for Infrastructure na binuo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa mas malawak pang beripikasyon.
Nauna nang iniulat ng gobernador na mula 2022 hanggang 2025 ay aabot sa higit ₱5.8 bilyon ang inilaan para sa mahigit 80 flood control projects sa Romblon.




































