Nasawi kalaunan sa ospital ang isang mountaineer mula General Trias, Cavite matapos siyang ma-rescue at maibaba mula sa Mt. Guiting-Guiting sa Magdiwang, Sibuyan Island, Romblon nitong November 24.
Ayon sa ulat ng Magdiwang Municipal Police Station, umakyat ang grupo noong umaga ng November 21 kasama ang kapwa mga mountaineer at tour guides. Pagdating sa bahagi ng trail na tinatawag na “Camel Back,” nanghina umano ang biktima at nahirapang magpatuloy.
Nagdesisyon ang grupo na magtuloy sa pag-akyat ngunit pagdating sa “Knife Edge,” pinili nang manatili roon ang biktima kasama ang dalawang guide dahil hindi na ito makalakad.
Pagsapit ng November 23, lalo pang bumaba ang kondisyon ng mountaineer kaya humingi ng tulong ang mga kasama nito sa basecamp. Agad namang nagpadala ng rescue team mula sa Bureau of Fire Protection upang magsagawa ng retrieval operation.
Madaling-araw ng November 24 nang marating ng mga rescuer ang kinaroroonan ng biktima at sinimulan ang mabagal na pagbaba. Gabi na nang maibaba siya sa paanan ng bundok.
Isinugod ang mountaineer sa Sibuyan District Hospital sa Cajidiocan para sa medikal na atensyon, ngunit kalaunan ay idineklara ring patay.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang eksaktong sanhi ng kanyang pagkamatay.




































Discussion about this post