Natapos na ang makulay na basketball career ni Cedrick Manzano, ang 22-anyos at 6’5 big man ng Adamson Soaring Falcons na tubong Danao, Cajidiocan, Romblon.
Ito ay matapos mabigo ang Adamson na makapasok sa Final Four ng UAAP Season 88, ang taon din ng kanyang huling eligibility sa liga. Sa parehong unibersidad ay matagumpay niyang natapos ang kursong Hotel Management (HM).
Bagama’t hindi niya naihatid ang Falcons sa Final Four ngayong taon, kinilala si Cedrick bilang isa sa mga pundasyon ng programa, dahilan upang tawagin siyang King Falcon. Sa apat na taon niyang paglalaro sa Adamson, dalawang beses silang umabot sa Final Four. Maliban sa UAAP, ilang beses din siyang nag-uwi ng MVP honors sa iba’t ibang pocket at pre-season tournaments na sinalihan ng koponan.
Sa kanyang pag-alis sa Adamson Soaring Falcons, nag-iwan siya ng mensahe para sa mga sumuporta sa kanya:
“Sa lahat ng sumusuporta at naniniwala sa akin, gusto ko lang sabihin na sobrang mahalaga kayo sa buong journey ko. Hindi madali ang daan, minsan nakakawala ng confidence, minsan nakakapagod pero dahil sa inyo, mas kaya ko. Yung tiwala at pagmamahal na binibigay n’yo, nagbibigay ng purpose sa ginagawa ko. Kayo ang rason kung bakit mas nagiging determined ako araw-araw.”
Nang tanungin siya tungkol sa kanyang susunod na hakbang, sinabi niyang posibleng maglaro muna siya sa MPBL. May ilang koponan na nagpakita ng interes sa kanya, kabilang ang San Juan Knights, Quezon Huskers, Nueva Ecija Rice Vanguards, at Batangas City Tanduay Rum Masters. Wala pa umano siyang desisyon kung saan siya sasama at ikukunsulta niya muna ito sa kanyang manager na si Edgar Mangahas at maging sa kanyang pamilya.
Ang posibleng pagpasok ni Cedrick sa MPBL ay may kaugnayan sa mga ulat na pansamantalang wala munang magaganap na PBA Draft hanggang magsimula ang 51st season o sa 2027. Dahil dito, kailangan niyang humanap muna ng ibang mapaglalaruan. Gayunman, dahil sa ipinakita niyang kalidad ng laro sa Adamson, nananatiling mataas ang posibilidad na may PBA team na kukuha sa kanya sa hinaharap.
Kapag nakapasok sa PBA, magiging pangatlong Sibuyanon si Cedrick na makakalaro sa pinakamataas na basketball league ng bansa. Nauna rito sina Oscar “Biboy” Rotoni Simon na na-draft ng San Miguel Beermen noong 1998, at si Jansen Rios na na-draft ng NLEX noong 2015—na kagaya ni Cedrick ay produkto rin ng Adamson Falcons at patuloy pang aktibo.
Samantala, ilan sa mga kilalang produkto ng Adamson University basketball program ay sina Hector Calma, Marlou Aquino, EJ Fiehl, Kenneth Duremdes, at Gherome Ejercito.




































Discussion about this post