Muling binuksan ang pangunahing liga ng basketball sa bansa sa pagbubukas ng Philippine Basketball Association (PBA) para sa ika-50 season nito na tinawag ding “The Golden Season.” Ginanap ang opening ceremony noong Oktubre 5, 2025 sa Smart Araneta Coliseum.
Sa pagbubukas ng bagong season, maraming naging pagbabago sa 12 koponan ng liga — kabilang ang mga player trades, coaching changes, pagpasok ng mga rookies, at ang pagdagdag ng isang bagong team. Isa sa mga pinakainabangang balita ay ang pagpasok ng Pure Blends Corporation, na bumili sa franchise ng NorthPort Batang Pier. Sa kabila ng bagong pamunuan, nanatiling buo ang core players ng dating NorthPort sa pangunguna nina Calvin “The Beast” Abueva, Joshua Munzon, at Cade Flores. Nakakuha rin sila ng karagdagang lakas matapos makuha si Jeo Ambohot mula sa Converge FiberXers sa pamamagitan ng trade. Ang bagong koponan ay tinawag na Titan Ultra Giant Risers, na pinamunuan ni Coach Johnadel Cardel, dating head coach ng Terrafirma Dyip, habang si Emil Tiu ang nagsilbing team governor.
Bukod dito, ilang koponan din ang nagkaroon ng bagong coaches ngayong season. Si LA Tenorio ang naging bagong head coach ng Magnolia Chicken Timplados Hotshots, si Ronald Tubid ang tumayong bagong tagapagsanay ng Terrafirma Dyip, Willy Wilson para sa Phoenix Fuel Masters, at Delta Pineda para sa Converge FiberXers. Nanatili naman ang mga beteranong coaches gaya nina Tim Cone (Barangay Ginebra), Chot Reyes (Talk ’N Text Tropang 5G), Yeng Guiao (Rain or Shine Elasto Painters), Leo Austria (San Miguel Beermen), Jeffrey Cariaso (Blackwater Elite), Luigi Trillo (Meralco Bolts), at Jong Uichico (NLEX Road Warriors).
Tampok sa opening ceremony ang tradisyonal na parade of teams kasama ang kani-kanilang mga muses, bago ginanap ang inaabangang “Manila Clasico” sa pagitan ng Barangay Ginebra San Miguel at Magnolia Chicken Timplados Hotshots. Ang laban ay itinuturing na isa sa mga pinakamatinding karibal sa PBA, at ito rin ang unang pagkakataon na nagtapat sina Coach Tim Cone at ang kanyang dating player na si LA Tenorio bilang mga head coach.
Pinangunahan ng Ginebra ang laro sa pangunguna nina Scottie Thompson, Troy Rosario, Stephen Holt, RJ Abarrientos, at ng kanilang top draft pick na si Sonny Estil, na hinirang na MVP ng nakaraang PBA Draft Combine. Sa panig naman ng Magnolia, nanguna pa rin sina Paul Lee, Mark Barroca, at Ian Sangalang, kasama ang rising stars na sina Zavier Lucero at Javi Gomez de Liaño, na nakuha mula sa Terrafirma kapalit ni Jerrick Ahanmisi. Sa lineup ng Magnolia, sina Barroca at Sangalang na lamang ang natira mula sa 2014 Grand Slam Team ng San Mig/Purefoods franchise matapos i-release si Rafi Reavis, na ngayo’y bahagi na ng Converge FiberXers sa edad na 48 matapos pumirma ng one-year contract. Target ng Magnolia Hotshots na makabalik sa kampeonato na huli nilang natikman noong 2018.
Matindi pa rin ang kasaysayan ng laban ng Magnolia at Ginebra, na sa tuwing magtatapat ay napupuno ang venue ng mga tagahanga. Ang huling pagkakataon na nagharap ang dalawang koponan sa PBA Finals ay noong 1997 All-Filipino Cup, kung saan nagwagi ang Purefoods TJ Hotdogs, na ngayo’y Magnolia.
Bago ang opening ceremony at opening game, ginanap muna ang Leo Awards, kung saan pinarangalan ang mga manlalarong nagningning sa nakaraang season. Tinangka ni June Mar Fajardo ng San Miguel Beermen na makuha ang kanyang ika-siyam na MVP award, habang isa sa mga pinakanasubaybayan ay ang labanan para sa Rookie of the Year sa pagitan nina Sedrick Barefield ng Blackwater Elite at RJ Abarrientos ng Barangay Ginebra.
Maliban sa MVP at Rookie of the Year, marami pang ibang parangal ang ipinagkaloob ng PBA sa pagbubukas ng kanilang makasaysayang Golden Season.



































