Iginawad ng PBA Press Corps ang mga parangal sa iba’t ibang manlalaro, coach, at opisyal ng Philippine Basketball Association (PBA) na nagpakita ng natatanging husay at kontribusyon sa nakaraang 49th Season ng liga. Ang PBA Press Corps ay binubuo ng mga kinatawan mula sa mga pahayagan, tabloids, online sports websites, at telebisyon na accredited ng PBA.
Ginanap ang 31st PBA Press Corps Awards Night noong Oktubre 13, 2025 sa Novotel Manila, Araneta Center, Quezon City. Iba ito sa mga opisyal na parangal na ibinibigay ng PBA mismo sa mga manlalaro.
Ginawaran ng Executive of the Year Award si business tycoon Manny V. Pangilinan (MVP) ng Talk ‘n Text Tropang 5G, matapos magwagi ang kanyang koponan ng dalawang kampeonato sa tatlong conference ng nakaraang season. Ito na ang ikatlong beses na natanggap ni Pangilinan ang nasabing parangal, at pumantay siya kina Elmer Yanga ng RFM at Alfrancis Chua ng SMC, na parehong tatlong beses ding nanalo ng award.
Si Coach Vincent “Chot” Reyes ng TNT Tropang 5G ang hinirang na Coach of the Year matapos niyang pamunuan ang TNT sa dalawang kampeonato. Nakalaban niya para sa nasabing parangal si Coach Leo Austria ng San Miguel Beermen.
Ilan pa sa mga pinarangalan ay sina Arvin Tolentino ng NorthPort Batang Pier bilang Scoring Champion, Zavier Lucero ng Magnolia Hotshots bilang Defensive Player of the Year, at Brandon Ganuelas-Rosser ng TNT Tropang 5G bilang Comeback Player of the Year. Si Don Trollano ng San Miguel Beermen naman ang tumanggap ng Mr. Quality Minutes Award para sa malaking kontribusyon niya bilang bench player.
Napabilang naman sa All-Rookie Team sina RJ Abarrientos (Barangay Ginebra), Caelan Tiongson (Rain or Shine), Sedrick Barefield (Blackwater Bossing), Kai Ballungay (Phoenix Fuel Masters), Jordan Heading (TNT), at Justine Baltazar (Converge FiberXers).
Si Calvin Oftana ng TNT ay tumanggap ng Order of Merit Award, habang itinanghal na Game of the Season ang Game 7 ng Commissioner’s Cup Finals sa pagitan ng TNT at Barangay Ginebra.
Samantala, sa pagbubukas ng Golden Season ng PBA noong Oktubre 5, 2025, ipinagkaloob na kay Junemar Fajardo ng San Miguel Beermen ang Most Valuable Player (MVP) award—ang kanyang ika-siyam na MVP simula noong siya ay ma-draft noong 2012. Dahil dito, nalampasan niya ang dating rekord nina PBA legends Ramon Fernandez at Alvin Patrimonio, na may tig-apat na MVP titles lamang.
Kabilang sa Mythical First Team sina Fajardo, Robert Bolick (NLEX), CJ Perez (San Miguel), Arvin Tolentino (NorthPort), at Calvin Oftana (TNT).
Sa Mythical Second Team naman ay sina Zavier Lucero (Magnolia), Scottie Thompson at Japeth Aguilar (Ginebra), Justin Arana (Converge), at RR Pogoy (TNT).
Kasama sa All-Defensive Team sina Zavier Lucero, Junemar Fajardo, Glenn Khobuntin (TNT), Joshua Munzon (NorthPort), at Stephen Holt (Ginebra).
Sa iba pang parangal, itinanghal na Rookie of the Year si RJ Abarrientos, Most Improved Player si Joshua Munzon ng NorthPort, at Sportsmanship Award naman ang natanggap ni Gian Mamuyac ng Rain or Shine.



































