Mahigit 1,000 magtatapos na estudyante ng Romblon State University (RSU) ang matagumpay na natulungan ng Social Security System (SSS) Odiongan Branch na makakuha ng kanilang Social Security (SS) number sa pamamagitan ng SSS e-Wheels program.
Bilang bahagi ng kanilang outreach efforts, binisita ng SSS Odiongan Branch ang walong kampus ng RSU sa mga bayan ng Sta. Fe, Sta. Maria, San Andres, San Agustin, Odiongan, Cajidiocan, San Fernando, at Romblon upang direktang maihatid ang mga pangunahing serbisyo ng SSS sa mga estudyante.
Ayon kay Tiffany B. Lobo, Branch Head ng SSS Odiongan, layunin ng programa na matulungan ang mga estudyante na makumpleto ang mga pre-employment requirements at maipaliwanag ang kahalagahan ng pagiging miyembro ng SSS.
“Sa pamamagitan ng programang ito, mahigit isang libong estudyante na ang nabigyan ng SS number — isang mahalagang unang hakbang sa kanilang pagpasok sa mundo ng trabaho,” ani Lobo.
Bukod dito, itinuro rin sa mga estudyante kung paano mag-apply ng SS number online at kung paano gamitin ang mga digital platform ng SSS para sa tamang impormasyon tungkol sa mga benepisyo, programa, at iba pang update ng ahensya.
“Sa panahon ngayon na laganap ang maling impormasyon sa social media, gusto naming matiyak na alam ng kabataang ito kung saan kukuha ng tamang impormasyon tungkol sa SSS,” dagdag pa ni Lobo. “Kaya ipinaliwanag namin sa kanila ang paggamit ng aming opisyal na website, My.SSS Portal, MySSS Mobile App, hotline, email address, at mga verified social media accounts.”
Ang SSS e-Wheels program ay idinisenyo upang mailapit ang mga serbisyo ng SSS sa mga komunidad, lalo na sa mga lugar na malalayong marating o kulang sa access sa mga pampublikong tanggapan, bilang bahagi ng layunin ng ahensya na gawing mas inklusibo at abot-kamay ang serbisyo ng gobyerno.
Discussion about this post