Nanawagan si Mayor Greggy Ramos sa mga residente ng Cajidiocan na maghanda sa posibleng pagpasok ng isang bagong bagyo sa bansa sa mga susunod na linggo, batay sa Tropical Cyclone Threat Potential Forecast ng PAGASA na inilabas noong Oktubre 26, 2025.
Ayon sa alkalde, posibleng mas malakas pa ito kaysa sa bagyong “Opong” na tumama sa lalawigan kamakailan, kaya’t maaga pa lamang ay pinaghahandaan na ng lokal na pamahalaan ang mga kinakailangang hakbang para sa kaligtasan ng mga residente.
Kabilang sa mga inihahandang hakbang ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at ng lokal na pamahalaan ay ang posibleng forced evacuation sa mga lugar na itinuturing na landslide-, flood-, at storm surge-prone areas.
Ayon kay Ramos, tatlong strategic Operations Centers (OPCEN) ang itatayo sa bayan — sa Cambalo, Lumbang East, at Poblacion — upang masiguro ang mabilis na koordinasyon at agarang pagtugon sakaling lumala ang lagay ng panahon.
Nag-utos din ang alkalde sa lahat ng barangay na ihanda ang kanilang Quick Response Fund (QRF) at ang mga pagkain at relief supplies na maaaring ipamahagi sa oras ng pangangailangan.
Kasabay nito, pinayuhan ni Ramos ang mga magsasaka na aniin agad ang kanilang mga pananim at iligtas ang mga hayop at iba pang kabuhayan, habang ang mga mangingisda naman ay pinaalalahanang ilagay sa ligtas na lugar ang kanilang mga bangka dahil magpapatupad ng “no sail policy” tatlong araw bago ang inaasahang paglapit ng bagyo.
“Mag-imbak ng pagkain, maghanda ng family emergency bag, at lagyan agad ng depensa ang inyong mga bahay,” dagdag pa ng alkalde.
Sa kabila ng paghahandang ito, umaasa si Ramos na hindi matutuloy o lilihis ang bagyo upang hindi na muling maapektuhan ang mga residente ng Cajidiocan at karatig-bayan.
Samantala, ayon sa PAGASA, may posibilidad ng pagbuo ng bagyo sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa pagitan ng Oktubre 27 hanggang Nobyembre 2, at posibleng tumawid sa bansa sa pagitan ng Nobyembre 3 hanggang 9.
Bagama’t wala pang katiyakan sa direksyon at lakas nito, sinabi ng ahensya na batay sa climatological pattern ng mga bagyong dumarating tuwing Nobyembre, karaniwang naaapektuhan ang Southern Luzon at Visayas.




































 
                
Discussion about this post