May bagong silid-aralan na ang mga mag-aaral ng Angel Rio Elementary School sa Barangay Cambalo, Cajidiocan matapos pormal na pasinayaan ang isang proyekto na pinondohan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)–Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan–Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (Kalahi-CIDSS), katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Cajidiocan.
Ang naturang classroom, na nagkakahalaga ng ₱1.9 milyon, ay itinayo sa ilalim ng Kalahi-CIDSS Community-Driven Development (CDD) Program, isang pambansang programa ng DSWD na naglalayong palakasin ang partisipasyon ng mga mamamayan sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga proyekto sa kanilang komunidad.
Ayon sa Cajidiocan Public Information Office, matagal nang hinihintay ng mga guro at magulang ang karagdagang silid-aralan bilang tugon sa lumalaking bilang ng mga mag-aaral at kakulangan ng mga pasilidad sa paaralan.
Bagama’t mga residente ang aktibong nakibahagi sa pagpaplano, pangangasiwa, at pagdedesisyon sa proyekto, itinakda naman ang mga manggagawang bayaran para sa aktwal na konstruksyon upang matiyak ang kalidad at kaligtasan ng gusali.
Sinimulan ang pagpapatayo ng silid noong Hulyo 2025 at natapos bago matapos ang Oktubre.
Pinuri ni Mayor Marvin Ramos ang dedikasyon ng mga mamamayan ng Barangay Cambalo at ang suporta ng DSWD Kalahi-CIDSS. Dagdag pa ng alkalde, patuloy na magtutulungan ang LGU at DSWD sa pagpapatupad ng mga programang magpapabuti sa kalidad ng edukasyon at kabuhayan sa Cajidiocan.
Sa isang Facebook post, pinasalamatan ni Principal Transfiguration Lopez ang pamahalaan para maisakatuparan ang proyekto para sa kanilang mag-aaral. Umaasa ang mga guro ng Angel Rio Elementary School na mas magiging maayos, ligtas, at komportableng lugar ng pagkatuto ito para sa kanilang mga estudyante.




































Discussion about this post