Isinusulong ngayon sa Sangguniang Panlalawigan ng Romblon ang isang ordinansa na naglalayong magpatupad ng 50-taong moratorium sa pag-isyu ng endorsement para sa mga bago at pending large-scale at small-scale metallic mining applications sa buong lalawigan.
Ang panukala ay inihain ni Board Member Cary Falculan, na nagsabing layunin ng ordinansa na maprotektahan ang kabundukan, ilog, at karagatan ng Romblon mula sa mapanirang operasyon ng pagmimina. Ayon kay Falculan, ang panukala ay hango sa modelo ng mining moratorium ng Palawan.
Katulad ng sa Palawan, ang panukalang ordinansa sa Romblon ay nakabatay sa mga science-based environmental assessments alinsunod sa Philippine Ecosystem and Natural Capital Accounting System (PENCAS) Law o Republic Act 11995.
Paliwanag ni Falculan, hindi ito isang “blanket ban,” kundi isang matibay at legal na hakbang upang mapigil ang mga bagong aplikasyon ng pagmimina na maaaring makasira sa mga protected areas, critical watersheds, at old-growth forests sa probinsya.
Target ng panukalang ordinansa na mapanatili ang likas-yamang taglay ng Romblon at masiguro na ito’y mapapakinabangan pa ng mga susunod na henerasyon ng mga Romblomanon.
Kapag naaprubahan, magiging isa ang Romblon sa iilang lalawigan sa bansa na may matagalang mining moratorium bilang bahagi ng kanilang climate resilience at sustainable development agenda.
Discussion about this post