Inirekomenda na ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) sa pangunguna ni Governor Trina Firmalo-Fabic ang pagdedeklara ng state of calamity sa buong probinsya ng Romblon matapos ang matinding pinsalang iniwan ng Bagyong Opong.
Batay sa tala ng pamahalaang panlalawigan, umabot sa 11,377 indibidwal o 3,412 pamilya ang lumikas sa mga evacuation center o pansamantalang tumuloy sa bahay ng mga kaanak. Sa kabuuan, nasa 3,443 katao pa rin ang nananatili sa evacuation centers o sa ibang tahanan noong hapon ng Sabado, Setyembre 27.
Ayon sa mga ulat mula sa mga bayan at barangay, hindi bababa sa 8,790 na kabahayan ang bahagyang nasira at may 1,019 na bahay ang tuluyang nawasak sa 15 bayan. Malaki rin ang iniwang pinsala sa sektor ng agrikultura, habang 53 silid-aralan ang napinsala at 14 classrooms ang idineklarang lubos na nasira. May mga kalsada at tulay din na naapektuhan ng bagyo.
Kaugnay nito, nagpulong ang PDRRMC noong Sabado ng hapon at nagrekomenda sa Sangguniang Panlalawigan na magpasa ng resolusyon para ideklara ang state of calamity.
Ayon kay Governor Fabic, layun nitong magbibigay daan upang magamit ang Quick Response Fund (QRF) ng pamahalaang panlalawigan at mga lokal na pamahalaan para sa mas mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng mga apektadong pamilya, partikular na ang may mga totally damaged na bahay.
Dagdag pa ni Fabic, nakapagpadala na rin ang probinsya ng karagdagang food packs sa mga bayan gaya ng Ferrol, at inaasahang mas marami pang relief goods ang ipamamahagi sa mga susunod na araw, kabilang ang 2,800 food packs na nakatakdang ilabas sa Lunes.
Naka-iskedyul ang special session ng Sangguniang Panlalawigan bukas, Setyembre 29, para talakayin at pagtibayin ang deklarasyon ng state of calamity.Romblon PDRRMC inirekomenda na ang pagdedeklara ng State of Calamity sa buong probinsya
Discussion about this post