Arestado ng mga awtoridad ang isang 67-anyos na lalaki na mahigit dalawang taon nang nagtatago sa kanyang warrant of arrest kaugnay ng kasong panggagahasa sa menor de edad sa Odiongan, Romblon.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas “Mang Domeng,” residente ng Carlton Village, Rodriguez, Rizal.
Dinakip siya ng mga tauhan ng Pasay Police Sub-Station 1 sa Bukaneg Street, CCP Complex dakong alas-2:00 ng hapon noong Setyembre 13.
Ayon kay Pasay Police Chief PCol. Joselito De Sesto, kabilang si Mang Domeng sa No. 7 Top Most Wanted Persons sa Region 4B MIMAROPA.
Ang kanyang pagkakaaresto ay bunsod ng dalawang warrant of arrest na inilabas ni Executive Judge Edwin B. Buffe ng RTC Branch 82 sa Odiongan, Romblon, noong Hulyo 12, 2023 at Setyembre 2, 2024. Kapwa walang inirekomendang piyansa ang mga kaso.
Pinuri naman ni Southern Police District (SPD) Acting District Director PBGen. Randy Arceo ang Pasay City Police Station sa matagumpay na operasyon laban sa puganteng suspek. Aniya, patunay ito na hindi maaaring gawing kanlungan ng mga kriminal ang mga lungsod at bayan sa kanilang nasasakupan.
Discussion about this post