Nanawagan ng tulong si Romblon Lone District Representative Budoy Madrona para sa mga residente ng lalawigan na labis na naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Opong.
Ayon kay Madrona, nananatiling malubha ang sitwasyon sa maraming bayan, partikular na sa Romblon, Romblon kung saan hanggang ngayon ay wala pa ring kuryente maliban sa kabayanan. Nakikipag-ugnayan na aniya siya sa mga alkalde ng probinsya upang matukoy ang mga pamilyang nangangailangan ng agarang tulong.
Isinumite na rin ng kongresista sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga datos mula sa mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices (MDRRMOs) para sa posibleng cash relief assistance at iba pang ayuda. Inatasan din umano niya ang mga MDRRMOs na iulat sa loob ng isang linggo ang lahat ng pinsala sa mga pambansang imprastraktura gaya ng mga kalsada, tulay, flood control structures, seawalls, at mga paaralan.
Samantala, nagpasalamat si Madrona sa mga naitayong flood control projects sa lalawigan na nakatulong upang mapigilan ang mas malalang pagbaha at maprotektahan ang mga residente sa gitna ng matinding pinsala ng bagyo.
Matatandaang tumama ang Bagyong Opong sa Romblon noong Biyernes, nag-landfall ito sa San Fernando at sa Alcantara, at tumuloy sa mga bayan ng Ferrol at Odiongan.
Discussion about this post