Arestado ang isang umano’y mailap na drug pusher matapos mabitag sa joint entrapment operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Magdiwang Municipal Police Station (MPS) nitong Martes ng umaga, Agosto 19, sa Sitio Proper, Barangay Tampanyan.
Kinilala ang suspek na si Joseph Pateño, 58-anyos at residente ng nasabing bayan.
Isinagawa ang operasyon sa pangunguna ni PSSgt. Nonong Ruallo at mga kasamahan, sa ilalim ng superbisyon ni Capt. Elena Gebaña, hepe ng Magdiwang MPS, katuwang ang mga operatiba ng PDEA.
Narekober mula sa suspek ang siyam (9) na plastic sachet ng hinihinalang shabu, isang ₱500 marked money, isang maliit na metal box, isang basyo ng San Mig Sugar sachet, at isang itim na motorsiklo na ginamit umano sa transaksyon.
Ayon kay Ruallo, dati nang nakulong si Pateño dahil sa pagtutulak ng droga at muling nagbalik sa ilegal na aktibidad matapos makalaya. Halos isang buwan umano nilang minanmanan ang galaw ng suspek bago ito tuluyang mahuli.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Magdiwang MPS ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.



































