Isang insidente ng umano’y pamamaril ang naitala ng pulisya sa Buyco Estate, Barangay Tubigon, Ferrol, Romblon, nitong umaga ng August 28.
Batay sa police report na ipinadala ng Romblon Police Provincial Office, bandang alas-8 ng umaga ay naglilinis umano ng niyugan at sagingan ang isang 59-anyos na magsasaka nang lapitan siya ng isang 56-anyos na lalaki na nagpakilalang caretaker ng lugar.
Ayon sa ulat, sinigawan umano ng suspek ang biktima dahil sa paglilinis nito ng taniman. Nang tumalikod ang magsasaka, nakita na lamang umano niyang may baril na nakatutok sa kanya at pinaputukan umano siya ng suspek. Masuwerte namang hindi siya tinamaan.
Ikinuwento pa sa report na gumulong-gulong umano ang biktima upang makatakas.
Narinig din umano ng anak ng biktima ang putok ng baril at ang umano’y sigaw ng suspek na kunin ang magsasaka dahil “patay na ito.”
Agad na nagsumbong ang biktima sa kapitan ng barangay, na siya namang tumawag ng mga pulis upang rumesponde.
Sa ngayon, inihahanda na ng kapulisan ang isasampang kaso laban sa suspek na posibleng maharap sa kasong attempted murder.