Tukoy na ng Odiongan Municipal Police Station ang driver at ang sasakyang sangkot sa insidente ng hit-and-run na ikinasugat ng dalawang estudyante sa kahabaan ng National Road sa Barangay Poctoy, Odiongan, Romblon noong Sabado, August 23.
Ayon sa pinakahuling update mula sa Romblon Police Provincial Office, ang sasakyan ay isang kulay puting Hyundai Stargazer na minamaneho ng isang 39-anyos na residente ng Barangay Poblacion, San Andres, Romblon.
Batay sa naunang ulat, dakong alas-5 ng hapon nang mabangga ng SUV ang isang motorsiklo na minamaneho ng babaeng estudyante kasama ang kanyang angkas. Ayon sa imbestigasyon, sinubukan umanong mag-overtake ng SUV sa bahagi ng national road sa tapat ng isang hotel, ngunit nasalpok nito ang motorsiklo. Dahil sa bilis ng takbo, tumilapon ang dalawang sakay.
Sa halip na huminto at tulungan ang mga biktima, mabilis na tumakas ang SUV matapos ang insidente, ayon sa mga nakasaksi.
Agad namang isinugod sa ospital ng mga rumespondeng tauhan mula sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ang dalawang estudyante.
Natukoy ang SUV matapos makuha ang ilang kuha mula sa mga CCTV sa lugar at sa posibleng dinaanan ng sasakyan matapos ang aksidente.
Ayon sa pulisya, mahaharap ang suspek sa patong-patong na kaso kaugnay ng insidente.