Dumarami na ang mga Romblomanon na gumagamit ng QR Ph code sa kanilang mga transaksyon. Mas mabilis at maginhawa ang cashless payment para sa mga tindera at mamimili, ngunit nananatili ang hamon ng dagdag na singil, mahinang internet, at kakulangan sa kaalaman.
Sa bagong pamilihan ng Romblon, malaking tulong para kay Lalaine Mindoro, 35, tindera ng poultry products, ang GCash QR. “Hindi na ako nagkakamali magsukli kasi automatic na siya, kasi pinapakita na lang nila ‘yung confirmation,” aniya.
Ngunit aminado siyang may kapalit din ang kaginhawaan. “May charge din, income na sana, may percent pa na nababawas. Nahihirapan din minsan ang customer mag-send kapag mahina ang internet,” dagdag niya.
Hindi rin lahat ng tindera ay nakakasabay. Ayon kay Lilian Menes, mas sanay pa rin siya sa paggamit ng pera. “Hindi busa ako tigo magamit selpon, bukon busa ako kahilig magselpon,” aniya.
Katulad din ni Salvacion Reyes, 61, na umaasa sa kaniyang mga apo para sa digital payments ngunit handang matuto.
Ayon kay Clint John Mazo ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), mahalaga ang tulong ng lokal na pamahalaan upang ipakilala nang maayos ang sistema. Kabilang dito ang pagsasagawa ng account opening day at serye ng aktibidad para masanay ang mga gumagamit.
Bagama’t may mga hamon, unti-unti nang nakikita sa Romblon ang pagbabagong hatid ng cashless payment—mula sa sukling barya hanggang sa isang mabilis na beep ng QR scanner.



































