Binatikos ang inilabas na Memorandum Order No. 003 ni Magdiwang, Romblon Mayor Noel Machon na nag-aatas ng 24/7 on-call duty system para sa mga kawani ng Municipal Health Office kahit hindi ito aprubado ng Municipal Health Board.
Ayon kay Atty. Allan Zuniega, legal counsel ni Municipal Health Officer Dr. Elaine Ong-Tansiongco, walang bisa ang naturang kautusan sa ilalim ng Republic Act 7160 o Local Government Code dahil hindi ito dumaan sa tamang proseso.
Kasama ring binatikos ang Executive Order 011 na may petsang Hunyo 17, 2025, dalawang linggo bago pormal na naupo si Machon bilang alkalde.
Ayon kay Zuniega, nilabag nito ang probisyon ng batas dahil pinalawak umano ng alkalde ang komposisyon ng Municipal Health Board na dapat ay limang miyembro lamang. Idinagdag pa niya na karamihan sa mga isinama ay wala namang sapat na kaalaman sa kalusugan at sinasabing mga kaalyado lamang sa politika.
Samantala, sinabi ni Dr. Jonathan Maglaya ng Department of Health na anumang programang may kaugnayan sa health services ay kinakailangang dumaan at aprubahan muna ng Municipal Health Board bago ipatupad.
Nanawagan si Zuniega kay Machon na igalang ang karapatan ng mga health workers, lalo na’t hindi nakasaad sa kautusan kung may kaukulang bayad ang on-call duty, bagay na malinaw na nakasaad sa Republic Act 7305 o Magna Carta for Public Health Workers.
Sa ngayon, wala pang pahayag si Mayor Machon kaugnay sa mga akusasyon at panawagan ni Atty. Zuniega. (PR)



































