Isang panibagong accomplishment na naman ang nagawa ng 22-anyos na tubong Sibuyan Island, Romblon na si Cedrick Manzano, bigman at team captain ng Adamson Soaring Falcons, sa kanyang batang basketball career. Ito ay matapos niyang masungkit ang Most Valuable Player Award sa katatapos na Pinoy Liga Collegiate Cup 2025 Season 4 na nagsimula noong April 26 at nagtapos nito lamang June 21, 2025.
Maliban dito, pinangunahan din ni Cedrick ang Adamson Soaring Falcons para makuha ang kampeonato sa torneo matapos talunin ang National University Bulldogs sa score na 55–46 sa Finals na ginanap sa Enderun Colleges Gym sa Bonifacio Global City, Taguig.
Ang Pinoy Liga Collegiate Cup ay nilalahukan ng mga college at university teams mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas at ngayon ay nasa ikaapat na season na. Tinatawag itong Philippine version ng NCAA March Madness sa US dahil win-or-go-home ang format. Nagsisilbi rin itong preparasyon ng mga college teams para sa paparating na NCAA, UAAP, at iba pang collegiate tournaments na kanilang sasalihan.
Ang paparating na UAAP season ngayong July ang huling taon ni Cedrick sa Adamson, at hangarin niyang bago siya tuluyang magtapos ay mabigyan ng kampeonato ang Adamson Soaring Falcons na huling nagkampeon at nag-iisang titulo pa lang nila noong 1977.
Discussion about this post