Isang senior citizen ang nasawi matapos malunod habang naglalakad sa dagat papunta sa kanyang bangka sa Barangay Tabin-Dagat, Odiongan, Romblon noong gabi ng Miyerkules, Pebrero 5.
Kinilala ang biktima na si Resteo Fallarcuna, isang mangingisda at residente ng Barangay Budiong.
Ayon sa ulat ng pulisya, nakita ng ilang kalalakihan ang katawan ng matanda na palutang-lutang sa dagat habang nakahawak sa tali ng bangka nito, dahilan upang agad nila itong tulungan. Isinugod ang biktima sa ospital ng mga rumespondeng rescuer ngunit idineklara siyang dead on arrival.
Batay sa pahayag ng mga nakakita, napansin nilang dumaan si Fallarcuna malapit sa kanilang puwesto sa seawall at inobserbahan na tila lasing. Nang mapansin nilang hindi ito bumalik, pinuntahan nila ang lugar kung saan ito huling nakita at doon na nila nadiskubreng lumulutang ang kanyang katawan sa tubig.
Samantala, sinabi ng pamilya ng biktima na naniniwala silang aksidente ang nangyari at walang foul play na sangkot sa insidente. Patuloy namang pinaaalalahanan ang publiko na mag-ingat, lalo na sa paglalakad sa madidilim at mapanganib na bahagi ng baybayin.