Isang lalaki ang nasawi matapos mataga ng bolo sa leeg matapos ang isang pagtatalo sa isang inuman sa Sitio Hagimit Big, Barangay Marigondon Norte, San Andres, Romblon nitong Miyerkules ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Nelson Rico Villanueva, 28 taong gulang, isang magsasaka, habang ang suspek ay si Larry Galan Maquinto, 63 taong gulang, na kapwa residente ng nasabing lugar.
Batay sa imbestigasyon ng San Andres Municipal Police Station (MPS), nagkaroon ng inuman sa isang birthday party kung saan parehong dumalo ang biktima at ang suspek. Matapos maubos ang isang bote ng gin Quadro, inutusan ni Maquinto ang kanyang pamangkin na umuwi na, ngunit ikinagalit ito ni Villanueva, dahilan upang magkaroon sila ng mainitang pagtatalo.
Ayon pa sa pulisya, sa kainitan ng sagutan, sinuntok umano ng biktima ang suspek sa mukha. Dahil dito, nagpasya si Maquinto na umalis at umuwi upang iwasan ang biktima.
Gayunman, sinundan siya ni Villanueva dala ang isang piraso ng kahoy na may sukat na 2×2 pulgada at hinampas ang suspek.
Napigilan ito ni Maquinto gamit ang kanyang kaliwang kamay ngunit agad siyang bumunot ng bolo na may habang 54.5cm at hinataw ang biktima sa leeg.
Dahil sa tinamong sugat, agad na binawian ng buhay si Villanueva.
Matapos ang insidente, boluntaryong sumuko si Maquinto kay Barangay Kagawad Jojo Galan, na siya namang nag-turn over sa kanya sa San Andres MPS.
Kasalukuyang inihahanda ng pulisya ang kasong homicide laban kay Maquinto.