Binigyang pagkilala ang apat na alkalde mula sa lalawigan ng Romblon na matatapos na sa kanilang ikatlong termino ngayong taon sa ginanap na 2025 General Assembly ng League of Municipalities of the Philippines (LMP).
Kabilang sa mga pinarangalan sina Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic, Calatrava Mayor Marieta Babera, San Agustin Mayor Denon Madrona, at Santa Fe Mayor Elsie Visca.
Sa pangunguna ni Romblon Mayor at LMP Romblon Chapter President Gard Montojo, iginawad sa mga nabanggit na alkalde ang isang medalyang pagkilala bilang tanda ng kanilang paglilingkod sa kani-kanilang bayan.
Dinaluhan din ng iba pang alkalde mula sa iba’t ibang bayan sa Romblon ang naturang pagtitipon, kung saan personal na dumalo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Pinuri ng pangulo ang mga lokal na opisyal sa kanilang dedikasyon at kontribusyon sa pagpapatupad ng mga programa at batas na nakakatulong sa pag-unlad ng mga lokal na pamahalaan.

Ang LMP General Assembly ay isang taunang pagtitipon ng mga alkalde sa buong bansa upang talakayin ang mga isyung kinakaharap ng mga lokal na pamahalaan at palakasin ang kanilang ugnayan sa pambansang pamahalaan.