Kinokondena ng Philippine Ports Authority (PPA) sa pamumuno ni General Manager Jay Santiago ang iligal na aktibidad ng mga fixer sa Batangas Port na nagpapahirap sa mga pasahero ngayong holiday season.
Ayon kay GM Santiago, ang pagkakahuli sa dalawang fixer noong Disyembre 23, 2024, sa pamamagitan ng isang joint entrapment operation ng Philippine National Police Maritime Group, PPA Port Police, at Philippine Coast Guard-Batangas, ay patunay ng patuloy na aksyon ng ahensya laban sa mga reklamo.
Nilinaw din niya na ang mga nahuli ay hindi konektado sa alinmang empleyado ng PPA.
Dagdag pa rito, tiniyak ng PPA na nagpapatuloy ang imbestigasyon at magpapatupad sila ng mas mahigpit na hakbang upang matiyak na hindi na muling makapambibiktima ang mga masasamang loob, lalo na sa panahon ng Kapaskuhan.
“Magsilbi sana itong paalala sa lahat na ang mga iligal na gawain ay may kaakibat na kaparusahan. Tayo po ay patuloy na magbabantay upang maprotektahan ang ating mga kababayan,” ani GM Santiago.
Sa kabila ng abalang holiday season, tiniyak ng PPA na gagawin ang lahat ng kinakailangang hakbang para mapanatili ang maayos at ligtas na biyahe ng mga pasahero sa Batangas Port.