Mahigit 13,000 pamilya sa Odiongan ang makakatanggap ng noche buena package mula sa lokal na pamahalaan bilang bahagi ng kanilang selebrasyon ngayong Kapaskuhan.
Sa idinaos na Christmas in the Park Lighting Ceremony noong Sabado ng gabi, inanunsyo ni Odiongan Mayor Trina Fabic na ipapamahagi ang mga package sa darating na linggo.
Ang noche buena package ay naglalaman ng spaghetti pack at fruit cocktail na maaring ihanda ng mga pamilya para sa Pasko.
Ayon kay Mayor Fabic, bagama’t maliit lamang ang nilalaman ng package, ang mahalaga ay maipakita ang malasakit ng pamahalaan sa bawat pamilyang Odionganon. Ang programang ito, na sinimulan noong nakaraang Pasko, ay ipinagpatuloy ngayong taon bilang isa sa mga pangunahing proyekto ng administrasyon.
Dagdag pa ng alkalde, ang taunang pamamahagi ay pasasalamat ng lokal na pamahalaan sa ambag ng bawat pamilya sa patuloy na paglago ng ekonomiya ng bayan.
“[Ito ay] pondo ng taong bayan, pondo ng buwis na binabayaran ninyo kapag bumibili sa tindahan, at mga buwis na binabawas sa inyong mga sahod. Napakalaking tulong po [sa ekonomiya], at ‘yan ay ibinabalik po namin sa inyo sa form ng ating mga programa dito sa ating bayan ng Odiongan,” ayon sa alkalde.
Maliban sa noche buena package ay 8,000 din na mga Odionganon na kailangan ng maintenance medicine sa kanilang mga sakit ang makakatanggap din ng mga gamot sa susunod na dalawang linggo.