Patay nitong Pasko ang isang lalaking residente ng Barangay Tan-Agan, San Andres, Romblon matapos umanong manlaban sa mga rumespondeng pulis kaugnay ng isang insidente ng pamamaril.
Kinilala ang nasawi na si Rodolfo Falcunitin, 45 anyos, residente ng naturang barangay.
Ayon sa ulat na nakarating sa Romblon Police Provincial Office, ang suspek ay inirereklamo ng pamamaril bandang alas-9 ng gabi sa kanilang lugar.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, napag-alamang ang insidente ay nag-ugat sa inuman sa pagdiriwang ng kaarawan ni Roderick Laban, 44 anyos. Habang nag-iinuman, nagkaroon umano ng pagtatalo si Laban at ang dati niyang kasintahan, na siyang ikinainis ng suspek, na kamag-anak din ng babae.
Dahil dito, bumunot umano ng baril ang suspek at nagpaputok sa hangin.
Agad namang nagsumbong sa pulisya ang biktima. Habang papalapit ang mga rumespondeng pulis, pinaputukan umano sila nito habang nakatago sa damuhan malapit sa puno ng niyog.
Dahil dito, gumanti ng putok ang mga pulis at nadisarmahan ang suspek nang ito’y tumigil sa pamamaril. Tinamaan ng bala ang suspek sa tagiliran at sa kanyang mga paa.
Narekober mula sa suspek ang isang revolver at mga bala.
Isinugod pa siya sa ospital ngunit idineklara ring dead on arrival.