Sa gitna ng holiday rush ngayong peak season, isa ang Batangas Port sa mga pinakadinagsang pantalan sa bansa, kung saan pumalo sa humigit-kumulang 25,000 pasahero ang daily average nito mula noong weekend. Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), inaasahan pang tataas ang bilang ng mga pasahero sa mga darating na araw.
Bukod sa dami ng pasahero na umuuwi dahil sa long weekend, malaking hamon sa Batangas Port ang mahabang pila at matagal na paghihintay.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, ang kakulangan ng barko at kawalan ng mandatory online ticketing system sa mga shipping lines ang pangunahing dahilan ng pagkaantala ng biyahe. Dagdag pa niya, karamihan ng mga pasahero ay walk-in at bumibili pa lamang ng ticket sa pantalan, na nagiging sanhi ng mas matagal na proseso.
“Niluwagan na po natin ang kapasidad ng Batangas Port mula 3,000 patungong 8,000 seating capacity, pero ang dagdag na barko ang talagang kailangan para tuloy-tuloy ang biyahe,” ani Santiago. Matagal na rin umanong nananawagan ang PPA na gawing mandatory ang online ticketing system upang mapabilis ang biyahe at masiguradong organisado ang mga pantalan.
Hindi saklaw ng mandato ng PPA ang mga biyahe ng barko, ngunit naniniwala si Santiago na ang implementasyon ng online ticketing ay makakatulong upang maiwasan ang mahabang pila at matiyak ang tamang alokasyon ng pasahero kada araw.
Sa kabuuan, inaasahan ng PPA ang pagdaan ng 4.5 milyong pasahero sa iba’t ibang pantalan mula Disyembre 15, 2024, hanggang Enero 5, 2025. Bukod sa Batangas Port, kabilang din sa mga pantalan na may mataas na volume ng pasahero ang Panay/Guimaras, Mindoro, Bohol, at Bicol.
Bilang tugon, ipinag-utos na ni Santiago sa mga kawani ng PPA na magbigay ng tubig sa mga pasaherong matagal nang naghihintay at tiyaking komportable ang kanilang sitwasyon habang pumipila. “Bagama’t mahirap ang pila, kailangan tiyakin na may presensya ang mga kawani ng PPA para tulungan ang mga pasahero,” ani Santiago.