Nagkaroon ng bagong mapagkakakitaan ang 50 benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) matapos silang turuan ng paggawa ng dishwashing liquid sa isang pagsasanay na pinangunahan ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ang nasabing pagsasanay, na inorganisa ng lokal na pamahalaan ng Odiongan sa pangunguna ni Mayor Trina Firmalo-Fabic, ay pinondohan sa tulong ng Gender and Development Fund ng munisipyo. Layunin ng programa na bigyan ang mga kababaihang benepisyaryo ng pagkakataong magkaroon ng karagdagang kita sa pamamagitan ng maliit na negosyo.
Ayon kay Elena Casidsid, Community Organizing Officer ng Odiongan, ang mga materyales na ipinagkaloob sa mga benepisyaryo ay magagamit sa pagsisimula ng kanilang negosyo. Dagdag pa niya, ang pagsasanay ay isang hakbang upang masiguro ang mas malawak na oportunidad para sa mga benepisyaryo.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga benepisyaryo sa DTI dahil maliban sa paggawa ng sabon ay tinuruan din sila kung paano humawak ng maayos at paano mapapalago ang kanilang kikitain sa negosyo.
“Ako ay nagpapasalamat sa DTI at sa munisipyo dahil isa ako sa napili na maturuan ng ganito. Napakaganda pong simula ng negosyo para sa aming pamilya at dagdag kita na rin,” ayon kay Michelle Fajanilan.
Maliban sa teknikal na kaalaman sa paggawa ng dishwashing liquid, tinuruan din ang mga kalahok ng tamang paghawak at pagpapalago ng kita mula sa negosyo.
Bukas din ang Negosyo Center Odiongan, ayon kay Clinton Solidum, para tulungan ang mga benepisyaryo sa pagpapaganda ng kanilang mga produkto sa pamamagitan ng mas maayos na label at packaging. Tinutulungan din ang mga ito na irehistro ang kanilang negosyo upang maging lehitimo at makipagkumpitensya sa merkado.
Discussion about this post