Sa susunod na linggo, magsisimula na ang taunang Southern Tagalog Regional Association of State Universities and Colleges (STRASUC) Olympics 2024 na gaganapin sa Palawan State University sa Puerto Princesa, Palawan.
Ayon kay Claire Mendoza mula sa Public Information Office ng Palawan State University, inaasahan ang mahigit 1,000 delegado mula sa iba’t ibang state universities at colleges sa Southern Tagalog na makikiisa sa palaro.
Kabilang dito ang mga delegado mula sa Batangas State University, Cavite State University, Marinduque State University, University of Rizal System, Western Philippines University, Southern Luzon State University, Occidental Mindoro State College, Mindoro State University, Laguna State Polytechnic University, at Palawan State University.
Magpapadala rin ang Romblon State University (RSU) ng kanilang mga atleta, ngunit limitado ang bilang ng kanilang kalahok ngayong taon. Ayon sa ilang student-athletes na nakausap ng Romblon News Network, dismayado sila dahil tanging dalawang laro lamang ang masasalihan ng kanilang pamantasan.
Ang 12 student athletes na ipapadala ng pamantasan ay sina Neslie Falcunitin at Haniel Fillarca para sa athletics at ang Futsal Men’s Team na kinabibilangan nina Manuel Roa, Matthew Delos Reyes, Edgar Tumanon II, Josiah Francisco, Jef Martinez, Josh Madeja, Raul Feliciano, Jomel Garachico, Moaje Noeva, at Joseph Araque.
Sinubukan ng Romblon News Network na makuha ang pahayag ni Alphee Lachica, ang Sports Director ng RSU, ngunit hindi pa ito tumutugon sa mga mensahe.
Ang STRASUC Olympics 2024 ay gaganapin mula October 21 hanggang 25