Tiniyak ni Odiongan Chief of Police Major Chisi Faderagao sa publiko na ligtas ang mga bata at mag-aaral sa bayan, kasunod ng ulat na may dalawang batang estudyanteng di umano’y pinilit isakay sa isang van.
Ayon kay Major Faderagao, base sa inisyal na imbestigasyon, hindi sapilitan ang insidente kundi inaalok lamang sumakay ang mga estudyante sa isang pampasaherong van noong Biyernes, October 18, sa pag-aakalang sila ay mga pasahero.
Isa sa mga saksi, isang single driver, ay nagpatunay na hindi pinilit ang mga estudyante na sumakay.
Dagdag pa ni Faderagao, ang insidente ay nangyari sa national road malapit sa new market. Habang naglalakad ang mga estudyante, hinintuan sila ng isang kulay gray na van at inalok na sumakay. Natakot umano ang mga estudyante, lalo na matapos silang biruin ng mga habal-habal driver na nakakita sa kanila.
Nakuha na ng pulisya ang plate number ng van at may lead na rin sa pagkakakilanlan ng may-ari nito upang pagpaliwanagin.
“Walang nandudukot ng bata dito sa atin. Walang ganun dito,” ayon kay Faderagao nang makausap ng Romblon News Network nitong Linggo.
Hinihikayat ni Faderagao ang publiko na huwag agad mag-post sa social media sa ganitong mga insidente at imbes ay direktang makipag-ugnayan sa pinakamalapit na police station o tumawag sa kanilang hotline para maiwasan ang panic at agarang maimbestigahan ang sitwasyon.