Hinaharang ng grupo ng mga vendors sa labas ng Batangas Port ang plano ng Philippine Ports Authority (PPA) na magbukas ng panibagong gate sa Nobyembre para maibasan ang hinaing ng mga pasahero ng pantalan.
Ayon sa ilang nagbabarikada, maapektuhan umano sila kung magbubukas ang bagong gate dahil hindi na dadaan sa kanilang mga puwesto ang mga pasahero na sasakay ng mga barko.
Kinausap na ang mga nagbabarikada kamakailan ni Rodne Galicha na siyang chairman na binuo ng Regional Development Council ng MIMAROPA na tututukan ang suliranin ng mga pasaherong dumadaan sa Batangas Port.
Ayon kay Galicha, kailangang aksyunan ng lokal na pamahalaan ng Batangas ang hinaing ng mga nagbabarikadang mga maninida para hindi sila maapektuhan sa planong ito ng PPA.
Sinabi din nito na mag-uusap muli ang lahat ng panig na may kinalaman sa isyu para maagapan at agad na magawan ng solusyon ang problemang kinakaharap ng mga pasahero at ng mga maninida sa labas ng pantalan.