Isang lalaki ang natagpuang patay sa dalampasigan ng Sitio Panas Dakotan, Barangay Hinugusan, San Agustin, Romblon, matapos umakyat sa bundok kasama ang kanyang anak para mangolekta ng niyog noong Oktubre 22.
Ang biktima ay kinilalang si Winard Madraso Manao, 46 taong gulang, residente ng Barangay Hinugusan.
Nang makarating ang mga awtoridad sa Sitio Panas Dakotan, kanilang natagpuan ang katawan ng isang lalaking walang saplot.
Base sa paunang imbestigasyon, noong umaga ng Oktubre 22, ang biktima ay umakyat sa kanilang farm kasama ang kanyang 11-taong-gulang na anak upang mangolekta ng niyog para gawing copra.
Sa kasalukuyan, ang kanyang anak ay nawawala at patuloy ang search and rescue operation ng mga otoridad para makita siya.
Ayon sa mga kamag-anak ng biktima, may ilog sa daan patungo sa kanilang kinukuhaan ng niyog, at ito ang posibleng lugar kung bakit sila naaksidente. Malaki ang posibilidad na nahulog ang ama sa ilog, dahilan kung bakit napunta sa dagat ang katawan ng biktima.
Patuloy ang pag-usisa ng mga awtoridad sa insidente at umaasa silang makikita ang nawawalang anak upang maibalik ito sa kanyang pamilya.