Hindi napigilang maging emosyonal ni dating Sangguniang Bayan member Butchoy Arevalo nang maghain siya ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) bilang independent candidate sa pagka-bise alkalde sa huling araw ng filing para sa Halalan 2025.
Naging dahilan ng kanyang emosyonal na reaksyon ay ang presensya ni incumbent Odiongan Vice Mayor Dimaala, na napanood ang paghahain ni Arevalo. Pagkatapos maghain ng COC, lumapit si Arevalo kay Dimaala upang magpasalamat sa ipinakitang suporta. Dito na tuluyang naging emosyonal si Arevalo, lalo na’t siya ay naghain nang walang kasama o kapartido.
Sa panayam ng Romblon News Network, ibinahagi ni Arevalo ang kanyang hinanakit tungkol sa hindi pagkakapili bilang kandidato ng kanyang dating grupo, kahit pa matagal na niyang plano na tumakbo bilang bise alkalde. Sa kabila ng kanyang serbisyo bilang miyembro ng Sangguniang Bayan at track record, hindi siya napili ng kanilang grupo, na lubos niyang ikinagulat.
Nagpasalamat si Arevalo kay Dimaala, na bagama’t hindi sila magkatiket, ay sinuportahan siya sa mahalagang sandaling ito. Si Dimaala naman ay tatakbo bilang alkalde ng Odiongan sa darating na halalan ngunit wala pa ring ka-tandem na bise alkalde.
Sinabi ni Arevalo na sa ngayon ay nananatili siyang independent.