Nagpaabot ng pakikiramay si Odiongan Vice Mayor Diven Dimaala sa pamilya ng tricycle driver na pumanaw nitong Miyerkules ng gabi matapos makipagsuntukan sa kapwa tricycle driver dahil sa alitan.
Ayon kay Dimaala, labis niyang ikinalulungkot ang nangyaring insidente, lalo’t nauwi ito sa pagkasawi ng driver dahil sa pagtaas ng kanyang presyon.
“Malungkot ang ganitong pangyayari, lalo na’t ito’y nag-ugat lamang sa hindi pagkakaunawaan. Nawa’y magsilbing paalala ito sa atin na mahalaga ang pagkakaroon ng mahabang pasensya at pagrespeto sa isa’t isa,” pahayag ni Dimaala na siya ring chairman ng Committee on Transportation ng Sangguniang Bayan.
Bilang suporta sa pamilya ng nasawi, ipinangako ni Dimaala ang pagbibigay ng tulong pinansyal. Ayon sa bise alkalde, inaasahan niyang makakabawas ito ng kaunting pasanin sa pamilya sa kabila ng kanilang matinding kalungkutan.
Hinikayat din ni Dimaala ang mga tricycle drivers na maging mas mahinahon sa mga di pagkakaintindihan at humingi ng tulong sa mga awtoridad bago pa lumala ang mga alitan.
“Ang buhay ay mahalaga at hindi dapat masayang dahil lamang sa mga bagay na maaari namang mapag-usapan,” dagdag ni Dimaala.