Isang tricycle driver sa Odiongan, Romblon ang nasawi nang tumaas ang presyon matapos makasuntukan ang nakaalitan na kapwa driver hinggil sa pinamamahaging cash assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang biktima, si Teodorico Almadia Samson Jr., 61, ay nakasuntukan si Gener Olivas Miranda, 36, sa pila ng mga tricycle sa Sitio Cocoville, Barangay Dapawan hapon ng Miyerkules.
Ayon sa mga saksi, nagtalo ang dalawa tungkol sa ayuda, na nauwi sa suntukan. Agad namang napigilan ng kanilang mga kasama ang pag-aaway.
Nagpunta si Samson sa Odiongan Municipal Police Station upang magsumbong, ngunit habang papunta sa estasyon, bigla siyang nawalan ng malay sanhi ng biglaang pagtaas ng kanyang presyon. Dinala siya sa Tablas Doctor’s Hospital ngunit idineklara siyang dead on arrival.
Ayon sa Odiongan Municipal Police Station, ang suspek ay kusang sumuko sa mga pulis matapos malaman ang nangyari kay Samson at ngayon ay nakakulong. Mahaharap siya sa kasong homicide kaugnay ng insidente.