Hiniling ni Governor Victorino Dennis M. Socrates sa mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan na magpasa ng ordinansa na pumipigil sa bagong operasyon ng large-scale na minahan sa Palawan.
Ito ay binanggit ni Socrates sa kanyang State of the Province Address (SOPA) noong Setyembre 3, 2024 na isinagawa sa Session Hall ng Sangguniang Panlalawigan.
Ang hakbang na ito ay alinsunod sa deklarasyon ng mga dumalo sa Palawan Stakeholders’ Congress on Mining and the Environment 2024.
“Upang pabungahin ang Mining Summit, hinihingi ko sa Kagalang-galang na Sangguniang Panlalawigan ang pagpasa ng Ordinansang pumipigil sa bagong operasyon ng large-scale na minahan sa kalupaan ng ating lalawigan, alinsunod sa Deklarasyon ng Palawan Stakeholders’ Congress on Mining and the Environment 2024,” ang pahayag ni Socrates sa kanyang SOPA.
Ayon sa gobernador, ipinatawag niya ang Mining Summit noong Abril dahil dumarami na ang mga kumpanyang taga-labas na gustong magmina sa lalawigan, at nagiging mainit na ang hidwaan ng mga may gusto at ayaw payagan ang pagmimina sa lalawigan.
Bahagi ito ng kanyang adhikain na Good Government na ang ibig sabihin sa paggamit ng katagang “Participation” ay hangga’t maaari, kasali sa usapan ang higit na maraming mamamayan at naisasa-alang-alang ang kuru-kuro ng lahat.
Dagdag pa ng gobernador na pagkatapos ng Mining Summit ay nagkaroon ng “Final Report on the Proceedings of the PSCME” kung saan nakasulat dito ang deklarasyon ng mga dumalo sa summit, at ang kauna-unahang deklarasyon dito ay ang paghangad ng “moratorium” o pansamantalang pagpapatigil sa mga bagong operasyon ng pagmimina.
Ipinaliwanag din niya kung bakit nais ng mga dumalo sa summit ang magkaroon ng moratorium sa bagong operasyon ng large-scale mining sa Palawan.
”Una: maselan ang topografia ng Palawan. Pahaba, makitid, at bulubundukin sa kanyang kahabaan ang mainland Palawan. Kung ihahambing sa kabundukan, maliit ang kapatagang nagsisilbi ngayong mga pamayanan at sakahan. Kung miminahin ang Nickel Ore deposits na nasa ating kabundukan, tiyak na maaapektuhan ang mga pamayanan at sakahang nasa ibaba. Pangalawa: Mahina pa ang ating mga institusyong inaasahang babantay sa operasyon ng mga mining companies, ayon din sa karanasan sa ibang bahagi ng ating bansa. Mahina pa ang mga mekanismo ng Regulation, Monitoring, at Enforcement. Pangatlo: Dahil wala pa tayong kakayahang magproseso ng mga mineral na nilalabas patungo sa ibang bansa, maliit ang halagang napupunta sa atin; samantalang maaari namang saka na natin payagang magmina sa lupa natin kapag may kakayahang magproseso at magdagdag ng halaga, magkaroon ng “Value Added” ang mga mineral na ito,” paliwanag ng gobernador.
Sinabi rin ni Socrates na sa kasalukuyan ay wala pang sapat na teknolohiya ang Palawan upang kuwentahin nang wasto ang tunay na halaga ng mga depositong minimina, at posibleng hindi lamang isang uri ng mineral ang nasasama sa paghukay at inilalabas ng bansa.
“Hindi naman natin sinasabing masama ang pagpasok ng malalaking mangangalakal sa ating lalawigan; ngunit dapat kilatisin ang epekto ng bawat proyekto, kung ito ba ay higit na makabubuti o makasasama sa kabutihang panlahat ng sambayanang Palawenyo. Tungkulin ng pamahalaang panlalawigan ang pangalagaan ito,” ang pahayag pa ng gobernador. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan/Larawan mula sa PIO-Palawan)