Nanawagan ang mga Pilipino na kasalukuyang nasa Lebanon ng agarang aksyon mula sa pamahalaan ng Pilipinas para sa kanilang agarang pagpapauwi, kasunod ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Hezbollah militant group at Israel.
Kasama sa mga nananawagan ay ang mga Romblomanong apektado ng gyera, kabilang si Cheryl Ganan, isang overseas Filipino worker (OFW) mula sa San Andres, Romblon.
Ayon kay Ganan, gusto na niyang umuwi ng Pilipinas dahil sa lumalalang sitwasyon, ngunit hindi umano siya pinapayagan ng kanyang amo. Ilang beses na rin siyang nakipag-ugnayan sa embahada ng Pilipinas sa Lebanon, ngunit nabigo siyang makakuha ng sagot.
“Ngayon, sobrang nakakatakot na kasi araw-araw nalang may pinapasabog. Kaya nerbyos po talaga ako. Maging pamilya ko ay nag-aalala rin sa akin. Sana mapaaga ang pag-rescue sa amin,” ani Ganan.
Batay sa pinakahuling datos, tinatayang may humigit-kumulang 11,000 na Pilipino ang kasalukuyang nasa Lebanon. Mula Oktubre 2023 hanggang Setyembre 19, 2024, nasa 430 pa lamang ang naiuwi ng Pilipinas.
Sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Undersecretary Fely Bay sa ginanap na Saturday News Forum sa Quezon City na may 1,100 na Pinoy na humiling ng repatriation matapos itaas ang Alert Level 3 sa Lebanon.
Samantala, nananawagan ang Migrante International sa gobyerno na buksan ang 24/7 hotline ng embahada ng Pilipinas sa Lebanon upang mas mabilis makontak ng mga nangangailangang OFW ang mga opisyal para sa agarang tulong.
Sa kabila ng mga pagsabog sa Lebanon, wala naman umanong nasugatan na mga Pinoy dito.