Nagkasundo ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at mga pribadong sektor na magtutulungan sa paglutas ng mga problema sa seguridad at accessibility sa loob at labas ng Batangas International Port.
Matapos ang isang ocular inspection noong Huwebes, September 19, isang pag-uusap ang naganap sa Philippine Ports Authority (PPA) sa Batangas kasama ang mga kinatawan ng mga lokal na pamahalaan at mga civil society organizations mula Oriental Mindoro, Romblon at Batangas.
Ito ay pinamunuan ng MIMAROPA Regional Development Council (RDC) Executive Committee Technical Working Group (TWG) on on Seamless Intermodal Access of Passengers and Ships in Batangas Port, sa tulong ng MIMAROPA National Economic Development Authority (NEDA).
“Naging makabuluhan ang meeting at nagpapasalamat tayo sa ugnayan ng Philippine Ports Authority at ng local na pamahalaan ng Batangas. Kounting mga linggo na lang at maiibsan ang pahirap at pabigat sa ating mga passenger commuters,” ayon kay Rodne Galicha, ang chairperson ng RDC ExeComTWG.
Inilahad sa meeting na maraming pasahero na ang nagpahayag ng pagkadismaya sa mga biglaang paghablot at pagbuhat ng mga bagahe ng mga hindi kilalang mga porters sa labas ng pantalan, mahal na singil sa tricycle, sapilitang pagbili ng mga pasalubong tulad ng panutsa, inosenteng pagkuha ng travel insurance na hindi naman kinakailangan at iba pang porma ng intimidasyon.
“Dapat nating protektahan ang ating mga vulnerable sectors tulad ng mga persons with disabilities (PWD), senior citizens, mga maysakit at mga buntis. Exposed sila sa pagod ng mahabang paglalakad mula sa bus terminal sa labas lalo na sa ilalim ng init ng araw at malakas na pag-uulan,” pahayag ni Nelly Taupo, regional coordinator ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) Regional Basic Sector Coordinating Council (RBSCC).
Bilang tugon sa mga hinaing, ipinahayag ni PPA Batangas Port Manager Joselito Sinocruz na sa darating na Nobyembre ay may bubuksang bagong gate malapit sa bus terminal upang magkaroon ng mas ligtas at mabilis na access ang mga commuting passengers. . Kaugnay nito, may magagamit na ring mga libreng pushcarts at wheelchairs para sa nangangailangan.
Ayon pa kay Port Manager Sinocruz posible ring maibalik ang babaan ng mga commuting passengers sa loob kung mabigyang kaukulang solusyon ang seguridad ng mga pasahero sa pamamagitan ng koordinasyon sa mga bus operators and drivers tungkol sa pagpasakay ng mga unwanted vendors at kahina-hinalang mga taong nagpapanggap na mga pasahero. Ito aniya ay isang sitwasyon na kailangang pag-aralan dahil may mga naiulat na mga insidenteng nanganganib ang mga pasahero sa loob ng pantalan.
Sinigurado rin ng kinatawan ng lalawigan ng Batangas na makikipagtulungan sa mga kinauukulan lalo na sa seguridad at upang madagdagan ang police visibility sa lugar, at malagyan ng mga karatulang nakasulat ang mga mahahalagang reminders. Inilatag rin ang pangmatagalang plano ng lalawigan upang mas maging kaaya-aya at ligtas ang biyahe ng mga pasahero, at mapangalagaan rin ang kapakanan ng mga vendors at manggagawa malapit sa pantalan.
“Simula pa lamang ito ng kapaki-kapakinabang na pagtutulungan at sisiguraduhin natin na walang maiiwan kung ano man ang mga kaparaanan sa paglutas sa ating kinakaharap na mga suliranin sa pantalan, hindi lamang para sa lalawigan sa MIMAROPA kundi pati na rin sa Panay Island, kasama na ang Boracay,” bahagi ni Galicha.
Sa susunod na mga linggo, napagkasunduang magkaroon ng ugnayan at pag-uusap ang ilang mga lokal na pamahalaang apektado na pamumunuan naman ni League of Mayors of the Philippines – Oriental Mindoro president Mayor Eligio Malaluan ng Bongabong