Kabilang ang dalawang Palawenyo sa ginawaran ng pagkilala sa isinagawang 2024 Bayani Ka Awards awarding ceremony noong Agosto 29, 2024.
Sila ay sina Gemmalie M. Estores, isang person with disability (PWD) at volunteer sa bayan ng Taytay at Chan S. Alsad, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer (MDRRMO) ng bayan ng Balabac.
Ayon kay Dunhill Angelo Maraya ng Kapit‐Bisig Laban sa Kahirapan ‐ Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI‐CIDSS), ang 2024 Regional Bayani Ka Awards ay iginagawad sa mga natatanging indibidwal, grupo, komunidad at mga organisasyon sa rehiyon ng MIMAROPA na naging bayani ng community-driven development program ng gobyerno sa pamamagitan ng KALAHI‐CIDSS ng DSWD.
Ang pagiging community-driven ni Gemmalie M. Estores ang nagbigay ng pagkakataon sa kanya upang mahirang na Bayani Ka Awardee.
Bagama’t isang PWD ay hindi ito naging hadlang kay Estores upang maisakatuparan niya ang proyekto ng KALAHI-CIDSS.
“Kahit tayo ay may kapansanan, huwag natin maliitin ang sarili natin, kung ano ang maitutulong natin sa komunidad ay tumulong tayo na walang hinihintay na kapalit,” pahayag ni Estores.
Si Estores din ang tumatayong 4Ps leader at PWD President sa kanilang barangay.
Ayon kay Estores, napili nila ang proyektong konstruksiyon ng Barangay Health Center para sa Barangay Sandoval upang makatulong sa kanyang mga kabarangay partikular na sa mga buntis at sa kanilang panganganak dahil ang kanilang barangay ay malayo sa ospital.
Ipinaliwanag niya na nagsimula pa noong 2015 ang phase 1 ng kanilang proyekto at unti-unti itong natapos sa pamamagitan phase 2 at phase 3 sa tulong ng KALAHI-CIDSS katuwang ang lokal na pamahalaan at komunidad.
Ayon pa sa kanya, natapos na ang nasabing proyekto na may kompletong gamit at nakatakda itong i-turn over sa unang linggo ng Setyembre.
Hinirang naman si Chan S. Alsad, MRRMO ng bayan ng Balabac bilang Bayani Ka Awardee sa group category na DRRM and Environmental Protection.
Bilang MDRRMO ay ipinatupad naman ni Alsad ang pagkakaroon ng mga rescue banca sa kanilang bayan partikular na sa malayong barangay ng Balabac ang Brgy. Mangsee. Magsisilbi rin ang mga bangka para sa mga medical evacuation.
Pinagtuunan din ni Alsad ang mga tree planting activity sa kanyang lugar upang mapanumbalik ang mga nasira nang kagubatan at bakawan na dulot ng iligal na pamumutol ng mga ito.
Ipinaliwanag din ni Alsad na sa pamamagitan ng proyekto ng KALAHI-CIDSS ay nakakapagbigay ito ng hanapbuhay sa mga kabataan at nailalayo ang mga ito sa masasamang bisyo tulad ng droga.
Samantala, nakasama naman ang apat na munisipyo sa Palawan sa ginawaran rin ng pagkilala.
Nakuha ng bayan ng Aborlan ang Silver Community-Driven Development (CDD) Seal habang nakuha naman ng mga bayan ng Dumaran, El Nido at Taytay ang Bronze CDD Seal.
Kinilala rin ang bayan ng Aborlan bilang Most Engaged Project Monitoring Committee at ang bayan ng Dumaran bilang Best Special Project Implementation Awardee.
Kinilala ang mga nabanggit na local government unit dahil sa kanilang masigasig na pagpapatupad ng mga proyekto ng KALAHI-CIDSS sa kanilang mga lugar sa pamamagitan ng Community-Driven Development approach. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)
Discussion about this post