Bahagyang bumilis ang headline inflation ng probinsya ng Romblon noong nakaraang buwan kumpara sa February 2023.
Sa ginanap na press conference ng Philippine Statistics Authority Romblon nitong ika-14 ng Abril, sinabi ni Engr. Dandy Fetalvero, Supervising Statistical Specialist ng PSA Romblon, na umakyat sa 7.0% ang inflation rate nitong nakaraang buwan. Mas mataas ito ng 0.3% kumpara sa inflation rate noong Pebrero 2023.
Nakapag-ambag parin sa pagtaas ng inflation sa probinsya ang pagmahal sa presyo ng mga isda, prutas, at mga cereals na pagkain na may inflation rate na 9.3% ngayong buwan.
Pahayag ni Engr. Fetalvero, ang pagtaas sa presyo ng mga pagkain ay ang pinakamalaking nag-ambag sa pagtaas ng inflation rate sa probinsya.
Aniya, isa sa mga posibleng makatulong para bumaba ang inflation ng pagkain ay ang food security ng probinsya at ang pagkakaroon ng mas maraming programa para sa mga magsasaka at mangingisda.
“Malaking epekto ‘yung kasi hindi na tayo aangkat. Kasi sa monitoring natin, ‘yung mga sitaw, at okra, galing pa saibang lugar. Ay kung dito lang yan, mababa na yan, kasi hindi na yan gagastusan para sa transportation,” pahayag ni Engr. Fetalvero.
Nakadagdag rin sa pagtaas ng inflation ang pagmahal ng alcholic beverages at tobacco products, at ang restaurants at accommodation services.
Bagama’t bahagyang tumaas ang inflation rate, sinabi ng ahensya na pasok parin ito sa normal na inflation na forecasted ng gobyerno.