Nasa sampung coconut farmers at coconut products producers mula sa rehiyon ang tinulungan ng Department of Trade and Industry (DTI) Mimaropa at Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP) na lumahok sa ginanap na 2022 World Bazaar Festival (WBF) sa World Trade Center, Pasay City noong Disyembre 10 hanggang 19.
Ilan lamang sa ipinagkaloob na tulong ng DTI at ng CFIDP ang pagtatayo ng special booth display para sa mga produkto; gayundin ang pagkakaloob ng assistance sa mga negosyante at coconut farmers sa mismong mga araw ng aktibidad.
Kabilang din sa ipinagkaloob na tulong ng DTI ay ang pagsagot sa booth at exhibition expense ng mga lumahok na benepisyaryo ng CFIDP. Tinulungan din ng ahensiya ang mga benepisyaryo sa pagsusulong ng kanilang mga produkto sa masa bago isagawa ang WBF 2022. Nagmula naman sa mga lalawigan ng Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan ang mga benepisyaryong lumahok.
Para ngayong taon, inaasahan ng DTI na makakalikom o kikita ang naturang mga magsasaka at prodyuser ng coconut ng Php1 milyon sa bazaar.
Naging malaki naman ang pasasalamat ni Raquel Fabroa, kinatawan ng Calima Socio-Economic Multipurpose Cooperative mula Oriental Mindoro sa naging malaking ambag at tulong ng mga ahensiya upang higit na makilala ang kanilang mga produkto sa bansa.
Hinikayat naman ni DTI-MIMAROPA Regional Director Joel B. Valera ang mga mamimili na tangkilikin ang mga produkto mula sa mga maliliit na mga negosyante mula sa rehiyon; sa pamamagitan aniya nito ay matutulungan na mas mabilis na makilala sa bansa na higit na ikauunlad ng mga samahan at ng mga miyembro nito.
Ang World Bazaar Festival ay sinimulang gawin noong 2001; itinuturing ito na pinakamatagal na annual charity bazaar sa bansa. Ang malilikom na pondo sa naturang gawain ay ilalaan sa mga pamilyang nasa ilalim ng programang ABS-CBN Lingkod Kapamilya na naglalayong tulungang makapagdiwang ang mga pamilya na walang kakayahan ngayong kapaskuhan. (JJGS/PIA MIMAROPA)