Naiproklama na ng Palawan Provincial Board of Canvassers (PBOC) sa pangunguna ni Comelec-Palawan Provincial Election Supervisor Atty. Urbano C. Arlando si Palawan 3rd District Congressman elect Edward S. Hagedorn.
Si Hagedorn ay nakakuha ng kabuohang boto na 80,325 kung saan katumbas ito ng 50.2% ng kabuuhang bilang ng mga rehistradong botante na 159,956 mula sa bayan ng Aborlan at sa Lungsod ng Puerto Princesa.
Ang bayan ng Aborlan at Lungsod ng Puerto Princesa na may total registered voters na 194,033 ang bumubuo sa 3rd Congressional District ng Lalawigan ng Palawan.
Nakatunggali ni Hagedorn sa nasabing posisyon si Incumbent Congressman Atty. Gil Acosta, Jr. na nakakuha lamang ng kabuuhang boto na 71,986.
Pagkatapos maiproklama, sa panayam ng media sa kanya, sinabi nito na uunahin nito na ipinangako niyang pagkakaisa ng kanyang mga kababayan.
“Well, unang-una po ‘yong ating ipinangako na unity, pagkakaisa ng ating mga kababayan, panahon na ito, pagkatapos ng eleksiyon, na-proclaim na tayo, at nag-concede na rin si Congressman Gil, ang una nating gagawin ay i-unite ulit ang ating mga kababayan. Laging sinasabi natin kung walang pagkakaisa, mahirap makamit ang kaunlaran,” pahayag ni Hagedorn.
Si Hagedorn ay matagal ding naging alkalde ng Puerto Princesa City. Ang pinakahuling panunungkulan nito bilang Mayor ng lungsod ay mula taong 2002 hanggang 2013.
Samantala, habang sinusulat ang balitang ito ay apat na munisipyo pa sa Palawan ang hindi pa nakakapag-transmit ng kanilang mga municipal canvass sa PBOC kung kaya’t naantala ang proklamasyon ng iba pang mga nanalong kandidato sa provincial positions.
Ang mga munisipyong ito ay ang Balabac, Linapacan, Narra at San Vicente.
Bago nag-recess ang PBOC, inanunsiyo ni PES Atty. Arlando na kapag nai-transmit na ang lahat ng resulta ng halalan bukas ng umaga ay maipo-proklama na ang iba pang nanalong kandidato sa lalawigan. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)