Inaasahang masasasikhang muli ng ating bansa ang taunang paglabas ng mga bulalakaw o meteor sa kalangitan na Eta Aquariids sa Mayo 5-6.
Ang Eta Aquariid Meteor Shower o Eta Aquariids na pinakaaktibo sa naturang mga petsa ay maaaring makita sa madaling araw at silangang bahagi ng kalangitan kung saan nasa 10 hanggang 30 bulalakaw ang lilitaw kada oras. Ang pangalan ay hango sa grupo ng mga bituin o talampad na kung tawagin ay Aquarius, kung saan animo’y nagmumula ang mga nasabing bulalakaw.
Ayon kay Kim Manuel, officer ng Philippine Astronomical Society, “Ang presensya ng buwan sa madaling araw ay maaaring makapagpababa ng bilang ng bulalakaw na pwedeng makita”.
Dagdag pa niya, “Maaaring makita pa din naman ang meteor shower na ito sa mga susunod na gabi kung saan ang buwan ay mas maliit at ito ay magbibigay sa atin ng mas madilim na kalangitan”.
Ang paglitaw ng mga Eta Aquariids ay bunga ng pagdaan ng ating mundo sa mga maliliit na tipak na bato at yelo na iniwan ng Kometang Halley na lumapit sa araw noong 1986.
Ang mga bato at yelo na ito ay bumabagsak at natutunaw sa ating atmospera na siyang dahilan para ang mga ito ay uminit ng husto at magliwanag.