Isang seminar patungkol sa Republic Act 7581 o mas kilala bilang Price Act ang inorganisa ng Department of Trade and Industry (DTI) Romblon kamakailan.
Ginanap ito sa Dob’s Event’s Place sa Odiongan, Romblon kung saan dinaluhan ito ng mga kawani ng iba’t ibang lokal na pamahalaan at pambansang ahensya sa buong lalawigan ng Romblon.
Tinalakay sa nasabing seminar kung paano maging mapanuri sa bawat produktong bibilhin para hindi maloko ng mga mapansamantalang negosyante at para rin mapaalalahanan ang mga mamamayan hinggil dito.
Ayon kay DTI-Romblon Provincial Director Noel DR. Flores, isa sa mga paraan para masigurong hindi maloloko sa presyo at sa kalidad ng bibilhing produkto ang paghahanap ng markang PS (Philippine Standard) o ICC (Import Commodity Clearance) sa lahat ng mga appliances.
Bukas rin umano ang opisina ng DTI sa lalawigan ng Romblon para tumanggap ng mga reklamo at sumbong kaugnay sa mga nabili nilang mga produkto.
Maliban sa pagtalakay ng price act, hinikayat rin ni Flores ang mga LGU na bumuo ng Local Price Coordinating Council sa bawa’t munisipyo para mas mapadali umano ang pagbabantay sa mga presyo ng mga pangunahing produkto lalo na kapag may kalamidad.
Pumirma rin ang mga dumalo sa isang ‘Pledge of Commitment’ bilang patunay na interesado ang mga LGU na buuin ang nabanggit na konseho.