Sa halip na magdiwang ng kanyang kaarawan noong Lunes, nag-ikot sa mga nasalanta ng bagyong Tisoy si Congressman Eleandro Madrona kasama ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) – Romblon at ang Provincial Government upang mamigay ng tulong sa mga pamilyang nawalan ng bahay dahil sa bagyo.
Unang inikot ng grupo nina Madrona ang bayan ng Magdiwang sa Sibuyan Island kung saan may 80 pamilya na may totally damaged na bahay ang naabutan nila ng P5,000 na tulong pampaayos ng kanilang mga bahay.
Bumisita rin sila ng Concepcion kung saan may halos 70 pamilya silang natulungan.
Sa panayam ng Romblon News Network kay Madrona, sinabi nitong halos karamihan sa mga bahay sa isla ng Sibale ay nasalanta ng bagyo, lalo na umano ang Calabasahan Elementary School sa Barangay Calabasahan kung saan halos wipe-out umano dahil sa nasirang mga school buildings.
Tumungo rin sila sa mga isla ng Simara, Cobrador Island, at Alad Island, kung saan may mahigit 200 na pamilya ang kanilang nabigyan ng tulong. Ilan sa kanila ay nakatanggap ng P2,500 para sa mga partially damaged na bahay.
“I was so happy to be with them, kasi imbes na nagsasaya kami sa Bachawan, nagpapakain, nandito kami kasama nila, sharing with them what we can extend,” ayon kay Madrona.
Maliban sa pamimigay ng tulong, ininspeksyon rin ni Madrona ang ilang kalsada na naapektuhan ng landslide na iniwan ng bagyo.