Hinikayat ng isang registered nurse ang mga kabataan na dumalo sa pagdiriwang ng Linggo ng Kabataan 2019 sa Barangay Batiano, Odiongan, Romblon na maging katuwang ng Gobyerno sa paglaban sa pagtaas ng bilang ng mga Filipino na may Human Immunodeficiency Virus (HIV) at Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS).
Ayon kay Mrs. Liezl F. Yasul, nurse sa Odiongan National High School, may mga naitatala na umanong pasyente na may HIV sa probinsya ng Romblon at dapat umanong mapigilan ang pagdami nito.
Maari umanong gamiting gabay ang mga sumusunod na titik sa abakada para maiwasan ang pagkakaroon ng HIV: A para sa Abstinesiya; B para sa Basta, ikaw lang! ang katalik; C para sa condom ay gamitin; D para sa droga ay iwasan; at E para sa Early Diagnosis treatment o maagang pagpapatingin at pagpapagamot.
Sinabi rin ni Yasul na malaking bagay ang mga kabataan lalo na sa pagtulong sa pagpapakalat ng mga kaalaman patungkol sa HIV at AIDS gamit ang social media.
Ang Linggo ng Kabataan 2019 ay ipinagdiwang noong Agosto 17-18 sa iba’t ibang barangay sa bayan ng Odiongan kung saan maliban sa symposium patungkol sa teenage pregnancy at human immunodeficiency viruses (HIV), nagkaroon rin ng palaro, team building, at praise and worship explosion ang mga kabataan.
Ayon kay Sangguniang Kabataan (SK) Municipal Federation President Kyla Yap, ang pagdiriwang ngayong taon ng Linggo ng Kabataan ay may temang “Transforming Education”.
Pinasalamatan naman ni Yap ang mga nakiisang kabataan lalo na umano sa mga nagsilbing guest speaker sa mga symposium at seminar dahil malaki umano ang kanilang naiambag sa pag-iisip ng mga kabataang dumalo. (PJF/PIA-MIMAROPA/Romblon)